Converge sasagupa sa SMB sa quarters
MANILA, Philippines — Nasikwat ng Converge and No. 3. seed sa Group A papasok sa quarterfinals matapos ang 89-82 panalo sa Magnolia sa pagtiklop ng 2024 PBA Governors’ Cup elimination round kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
No bearing ang duwelo ng dalawang koponan dahil pareho nang pasok sa Top 4 ng Group A subalit hindi pa rin nagpaawat para sa momentum papasok sa playoffs.
Humakot ng 27 points, 12 rebounds at 4 assists si import Jalen Jones para sa FiberXers na nagtapos sa ikatlong puwesto ng Group A hawak ang 6-4 baraha.
Selyado sa No. 4 ang Hotshots bitbit ang 5-5 kartada, habang No. 1 at No. 2 seed ang TNT Tropang Giga at Meralco hawak ang 7-2 at 6-3 marka, ayon sa pagkakasunod.
Nagdagdag ng 12 points si Justin Arana at may tig-10 markers sina Alec Stockton at Schonny Winston para sa mga bataan ni coach Franco Atienza na swak agad sa playoffs sa kanyang unang salang matapos mangulelat ang Converge noong nakaraang season.
Hindi magiging madali ang katapat ng Converge na sasagupain ang San Miguel, segunda sa Group B, sa best-of-five quarterfinals.
Sa kabilang banda, tanging sina Calvin Abueva at Peter Alfaro lang na may tig-11 points ang nakapagpasiklab para sa Hotshots.
Mapapalaban ang koponan ni coach Chito Victolero bilang No. 4 seed sa Group A kontra sa No. 1 seed ng Group B na Rain or Shine (7-2).
Sumunod sa Elasto Painters ang SMB (6-4) at Ginebra (6-4).
- Latest