Andiamo A Firenze nagpasiklab
MANILA, Philippines — Nagpasikat ang Andiamo A Firenze sa mga horseracing fans matapos itarak ang panalo sa PRHTAI-PHILRACOM Benefit Race na inilarga sa Metro Turf sa Malvar-Tanauan City, Batangas noong Linggo.
Umarangkada sa largahan ang Senshi Spirit para hawakan ang bandera pero hindi masyadong pinalayo ng Andiamo A Firenze na nakatutok sa unang 200 metro ng karera.
Pagdating sa kalagitnaan ng labanan ay umagaw na ng unahan ang Andiamo A Firenze at hindi na lumingon sa likuran hanggang sa pagtawid ng finish line.
Paparating ng huling kurbada ay nasa tatlong kabayo na ang lamang ng Andiamo A Firenze sa pumapangalawang Daily Burn at lumobo pa sa five lengths sa finish line.
Ginabayan ni star jockey Jeffril tagulao Zarate, inirehistro ng Andiamo A Firenze ang tiyempong 1:23.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Joseph Dyhengco ang P180,000 premyo.
Nasikwat ng Daily Burn ang P67,500, habang third at fourth placers ang Easy Does It at Senshi Spirit na tumanggap ng P37,500 at P15,000, ayon sa pagkakasunod.
Naibulsa rin ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,000 at may P1,000 at P500.00 ang second at third, ayon sa pagkakahilera, sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.
- Latest