MANILA, Philippines — Bumalasik ang Adamson University sa third quarter upang tukain ang 69-56 panalo kontra University of Sto. Tomas sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Dikit lang ang bakbakan sa unang dalawang periods kung saan ay lamang lang ng isang puntos, 33-32 ang Adamson.
Pero nag-init ang opensa nina transferee AJ Fransman, Mathew Montebon at Matty Erolon sa third quarter matapos ibagsak ang 17-1 run para ilayo ang Falcons, 53-39 papasok ng fourth canto.
Tumikada si Montebon ng 15 puntos, limang boards, apat na assists at dalawang steals habang 11 points at 10 rebounds naman ang inambag ni Fransman para ilista ang 2-1 record para sa Adamson.
Umangat sa top four, kailangan na lang na alagaan ng Adamson ang kanilang puwesto upang mapalakas ang asam nilang lumaro sa semifinals pagkatapos ng elimination round.
“I’m happy with the effort my players gave today. If you look at the stats, we outrebounded a bigger team in UST, so that just means they gave it great effort today,” ani head coach Nash Racela.
Tumulong din si Royce Mantua ng 11 markers para sa Adamson U habang may anim na points at assists ang nilista ni Matt Erolon.
Nagposte naman si Nic Cabanero ng 16 puntos at limang boards para sa España-based squad na may 3-1 baraha.