Blazers sinolo ang liderato
MANILA, Philippines — Sinolo ng College of St. Benilde ang liderato matapos ilampaso ang Emilio Aguinaldo College, 77-55, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ipinoste ng Blazers ang 3-0 record para sa una nilang panalo sa Generals na tumalo sa kanila ng tatlong beses simula noong Season 98.
Naglista si Justine Sanchez ng 14 points at 6 rebounds para pangunahan ang St. Benilde na ibinagsak ang EAC sa 1-2 marka.
Isinara ng Blazers ang first half bitbit ang 41-32 kalamangan bago mag-init sa second half kung saan nila ipinoste ang 18-point lead, 66-48, mula sa magkasunod na triples ni Anton Eusebio sa 7:55 minuto ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na nakabalik sa laro ang Generals.
Sa unang laro, giniba ng nagdedepensang San Beda University ang San Sebastian College-Recoletos, 85-75, para magtabla sa 2-1 kartada.
Nagpasabog si rookie guard Bryan Sajonia ng career-high 26 points para pamunuan ang pagbangon ng Red Lions mula sa naunang pagkatalo sa Blazers.
“We have to get used to that physicality and it’s something we are aware of and we are expecting, but still iba pa rin ‘pag na-experience ng mga players sa court,” ani coach Yuri Escueta.
Nag-ambag si Yukien Andrada ng 21 markers kasama ang limang tres bukod sa 11 rebounds.
- Latest