Cignal, Kurashiki agawan sa finals spot
MANILA, Philippines — Isa lang sa Cignal HD at nagdedepensang Kurashiki ang magbubulsa sa ikalawang finals ticket ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Magsasalpukan ang HD Spikers at Ablaze ngayong alas-6 ng gabi matapos ang no bearing game ng finalist Creamline Cool Smashers at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sinikwat ng Creamline ang unang finals berth matapos ang 25-18, 29-27, 17-25, 25-20 pagtakas sa Cignal noong Lunes para iposte ang 3-0 kartada.
Naglaro sina Alas Pilipinas members Dawn Catindig at Vanie Gandler para sa HD Spikers.
Ang tropa rin ni coach Sherwin Meneses ang tumalo sa Kurashiki, 25-22, 25-22, 26-28, 25-21, noong Linggo.
May magkatulad na 2-1 record ang HD Spikers at Ablaze bago paglabanan ang ikalawang finals spot.
Muling makakasama nina Catindig at Gandler sa Cignal sina Venezuelan import MJ Perez, Ces Molina, Chin Basas, Gel Cayuna, Rosely Doria, Riri Meneses at Jacki Acuña.
Itatapat ng Kurashiki, hangad maipagtanggol ang PVL crown, sina Saki Tanabe, Saya Taniguchi, Mami Gonco, Yukino Yano, Kyoka Oshima at Mei Cing Low.
Samantala, gagawing preparasyon sa finals ng Cool Smashers ang no bearing game nila ng Foxiest na may 0-3 karta.
“Siyempre, coming sa game sa Fram Fresh, ibibigay namin ‘yung best namin. Ilalaro namin ‘yung kung ano talaga ‘yung laro namin,” ani Creamline star Bernadeth Pons.
- Latest