Red Lions tiklop sa Blazers sa OT
MANILA, Philippines — Solidong depensa ang ginamit ng College of St. Benilde sa overtime para talunin ang nagdedepensang San Beda University, 70-65, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Inilista ng Blazers ang 2-0 record at ipinalasap sa Red Lions ang unang kabiguan sa dalawang laro.
Nagsalpak si guard Jhomel Ancheta ng isang three-point shot at drive sa extra period habang kumonekta si Tony Inot ng isang triple para sa 67-61 abante ng St. Benilde.
“Masaya kasi defending champion iyong tinalo namin,” sabi ni Ancheta na tumipa rin ng tres para sa kanilang 60-58 abante sa huling 19.7 segundo sa regulation.
Ang inside basket ni Yutien Andrada ang nag-akay sa Red Lions sa overtime, 60-60.
Tumapos si Ancheta na may 14 points para pamunuan ang Blazers, habang may 13 at 12 markers sina Ynot at Allen Liwag, ayon sa pagkakasunod.
Pinangunahan ni Bryan Sajonia ang San Beda sa kanyang 19 points, 5 rebounds, 3 assists at 1 steal.
Sa unang laro, nagtala si big man JP Boral ng 17 points at 10 rebounds at may 15 markers si rookie Mark Gojo Cruz sa 82-66 paggupo ng University of Perpetual Help System DALTA sa Jose Rizal.
Panalo kaagad ang ibinigay ng Altas sa bagong coach na si Olsen Racela.
“Of course I’m happy with the win, my first win this season pero it’s part of our growth as a team,” ani Racela na nakahugot kay Christian Pagaran ng 11 points.
Pinangunahan ni Joshua Guiab ang JRU sa kanyang 15 points.
Kumawala ang Perpetual sa third period nang angkinin ang 48-41 bentahe bago kunin ang 80-60 kalamangan sa huling 1:57 minuto ng fourth quarter.
- Latest