Obiena nagkasya sa 5th sa Diamond League
MANILA, Philippines — Muling pumalya si two-time Olympian Ernest John ‘EJ’ Obiena na nagtapos lamang sa ikalimang puwesto sa 2024 Wanda Diamond League Silesia Leg na ginanap sa Silesian Stadium sa Chorzow, Poland.
Hindi pinalad si Obiena na makapasok sa podium matapos lumundag ng 5.82m — malayo sa Top 3 pole vaulters na nagtala ng 6-meter performance.
Partikular na si Paris Olympics gold medalist at Olympic record holder Armand ‘Mondo’ Duplantis ng Sweden na muling nagtala ng bagong world record.
Winasak ni Duplantis ang kanyang naitalang 6.25m sa Paris Games nang kumana ito ng impresibong 6.26m para tabunan ang kanyang lumang marka.
Napasakamay ni Paris Olympics silver medalist Sam Kendricks ng Amerika ang ikalawang puwesto matapos magsumite ng 6.0m sa kanyang ikalawang attempt.
Naglista rin si Paris Olympics bronze medalist Emmanouil Karalis ng Greece ng parehong 6.0m.
Subalit nagkasya lamang ito sa third place dahil nakuha nito ang naturang marka sa kanyang ikatlong attempt.
Pumang-apat si American bet KC Lightfoot tangan ang 5.92m.
Sinubukan ni Obiena ang 5.92m ngunit bigo ito sa kanyang dalawang pagsubok.
Nauna nang naka-tanso si Obiena sa Lausanne Leg ng Wanda Diamond League noong nakaraang linggo kung saan nagtala rin ito ng 5.82m.
- Latest