Belen, Panique susi ng Lady Bulldogs sa korona
MANILA, Philippines — Muling ipinakita ng National University Lady Bulldogs ang kanilang bangis sa labanan matapos angkinin ang korona sa katatapos lang na 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.
Nilapa ng Lady Bulldogs ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-21, 23-25, 20-25, 25-19, 15-10, sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals.
Muntikan pang magkaroon ng do-or-die Game 3 dahil naghabol ng isang set ang Lady Bulldogs, 1-2 papasok ng set four.
Mabuti na lang at lumiyab ang opensa nina Most Valuable Player Bella Belen at Arah Panique para akbayan ang NU at maitakas ang mahirap na panalo.
“I must say that the NU volleyball program established the right formula from high school to college. Though it’s not always perfect, pero mayroon naman results na naa-achieve,” ani Lady Bulldogs coach Norman Miguel.
Ipinakita ng Lady Bulldogs ang kanilang tikas sa pahirapang labanan sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Team Rebel Sports at Mikasa.
Nahirang din si Belen na 1st Best Outside Spiker kasama ang teammates na sina Lams Lamina (Best Setter) at Shaira Jardio (Best Libero) na mga nakakuha rin ng individual awards.
Ang ibang individual awardees ay ang pambato ng third placer College of Saint Benilde na sina Wewe Estoque (2nd Best Outside Spiker) at Zam Nolasco (1st Best Middle Blocker), Far Eastern University top player Jean Asis (2nd Best Middle Blocker) at mula sa Letran Judielle Nitura (Best Opposite Hitter).
- Latest