Flying Titans isasalang si faki
MANILA, Philippines — Ang isang outside hitter na kagaya ni Zoi Faki ng Greece ang kailangan ng Choco Mucho para sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Hindi kasi maglalaro sina Sisi Rondina at Cherry Nunag na miyembro ng Alas Pilipinas Women at sasalang sa darating na FIVB Challenger Cup sa Hulyo 4-7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Dadalhin ng 6-foot-1 na si Faki sa Flying Titans ang kanyang eksperyensa sa paglalaro para sa University of Pittsburgh at San Diego State University sa US NCAA.
Bumalik siya sa Greece at kumampanya para sa mga club teams ng AO Thiras at Apollon Kalamatas.
“Wing spikers are locked and loaded with power! Say hi to Zoi Faki who has the experience and strength to deliver the much-needed boost for the team,” pahayag ng Choco Mucho sa kanilang social media post kahapon.
Noong 2022 PVL Reinforced Conference ay ipinarada ng koponan si import Odina Aliyeva, ngunit tumapos lamang sila sa seventh place.
Makakatulong ni Faki sa kampanya ng Flying Titans ang bagong hugot na si Dindin Santiago-Manabat.
Target pa rin ng Choco Mucho, natalo sa Creamline sa nakaraang PVL All-Filipino Conference Finals, ang kauna-unahan nilang PVL title.
Bukod kina Rondina at Nunag, hindi rin makakalaro sina injured Des Cheng (knee), Aduke Ogunsanya (knee) at Kat Tolentino (ear).
Ang iba pang imports na sasalang sa PVL Reinforced Conference ay sina Erica Staunton ng Creamline, Khat Bell ng Chery Tiggo, Elena Samoilenko ng PLDT at Marina Tushova ng Capital1 Solar Energy.
- Latest