Obiena muling lumundag ng ginto sa Poland meet
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na ratsada ni Paris-bound EJ Obiena nang makahirit na naman ito ng gintong medalya sa Poland kung saan namayagpag ito sa Memorial Czeslawa Cybulskiego sa Poznan.
Naisumite ng Pinoy pole vaulter ang impresibong 5.87m para angkinin ang kanyang ikalawang gintong medalya sa naturang bansa.
Una nang naghari si Obiena sa Irena Szewinska Memorial na ginanap sa Bydgoszcz noong Biyernes kung saan nagtala ito ng 5.97m.
Pumangalawa lamang si Piotr Lisek ng host Poland na nagsumite ng 5.82m, habang pumangatlo si Hussain Asim Al Hizam ng Saudi Arabia na may 5.62m na naitala.
“Back to back competitions in Poland was definitely a blast. 5.87m here in Memorial Cybulskiego for the gold with a bonus meeting and stadium record. Thank you Poznan for the great time,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Mainit ang simula ni Obiena na mabilis na nakuha ang 5.62m kasunod ang 5.77 at 5.87 sa kanyang unang attempt.
Sinubukan ni Obiena na abutin ang 6.01m subalit bigo itong makuha ang naturang marka sa kanyang tatlong pagsubok.
Sa kabuuan, may tatlong gintong medalya na si Obiena sa outdoor.
Unang humirit ng ginto si Obiena sa Los Angeles Grand Prix noong Mayo.
Sunod na sasabak si Obiena sa Meeting de Paris leg na bahagi ng Diamond League na idaraos sa Hulyo 7.
Bahagi ito ng paghahanda ni Obiena para sa 2024 Paris Olympics na gaganapin sa susunod na buwan sa France.
Nakatakdang sumunod si Obiena sa training camp sa Metz, Paris.
- Latest