Mojdeh may medal na sa ASG
MANILA, Philippines — Ibinigay ni Micaela Jasmine Mojdeh ng Brent International School-Manila ang unang medalya ng Pinoy tankers sa 13th Asean Schools Games na ginaganap sa Da Nang, Vietnam.
Sumiguro ng tansong medalya si Mojdeh sa girls’ 100m butterfly upang makapag-ambag ang swimming team sa medal tally ng Team Philippines.
Nagtala ang World Juniors Championships semifinalist ng isang minuto at 4.0 segundo sapat para masiguro ang podium.
Napantayan ni Mojdeh ang bronze-finish nito noong 2019 edisyon ng Asean Schools Games na ginanap sa Semarang, Indonesia.
“It was a tough one. Kaya ko sana mag-gold kinapos lang talaga sa huli. Hopefully makabawi ako sa 200m (butterfly) event,” ayon kay Mojdeh na flag bearer ng Team Philippines sa opening ceremony ng ASG.
Dikit na dikit ang oras ni Mojdeh sa Thai tankers na sumiguro ng 1-2 punch sa naturang event.
Napasakamay ni Kertsriphan Thitiphon ang ginto tangan ang 1:03.29 habang nakuha ni Loehajaru Nutthanica ang pilak bunsod ng naitala nitong 1:03.99.
Muling magtatangka si Mojdeh na humirit ng gintong medalya sa pagsabak nito sa 200m butterfly event sa Biyernes — isang araw bago ang kanyang ika-18 kaarawan sa Hunyo 7.
“I want to get that one (gold in 200m butterfly) as a gift for myself and also for our country. I’ll do my best to make it happen. I just need to stay focused to reach my goal here,” dagdag ni Mojdeh.
Nagtapos naman sa ikalimang puwesto si Joaquin Taguinod ng Santiago City National High School-Isabela sa boys’ 100m breaststroke (1:06.70) gayundin si Renielle Jan Mikos Trinidad ng Calayan Educational Foundation Inc.-Lucena City na nasa ikalima sa boys’ 100m butterfly (58.03).
Ikawalo naman si Paulo Miguel Labanon ng Mapua-Mindanao sa boys’ 200m freestyle matapos magtala ng 1:58.97.
- Latest