Greek taob kay Paalam sa Olympic qualifiers
MANILA, Philippines — Desidido si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na makahirit ng tiket sa Paris Olympics.
Inilabas nito ang buong puwersa para pataubin si Alexie Lagkazasvili ng Greece sa first round sa pamamagitan ng unanimous decision win sa 2nd World Olympic Qualifying Tournament sa Bangkok, Thailand.
Pumabor ang lahat ng mga hurado sa Pinoy pug para masiguro ang tiket sa susunod na round ng men’s 57kg class.
Kailangan ni Paalam na makalikom ng sunud-sunod na panalo upang makakuha ng silya sa Paris.
Bigo si Paalam na makapasok sa Paris Games sa unang dalawang qualifying tournaments sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong nakaraang taon, at sa 1st World Olympic Qualifying Tournament sa Busto Arsizio, Italy noong Marso.
Magtatangka rin sa qualifying tournament sina Rogen Ladon, Criztian Pitt Laurente at Hergie Bacyadan.
Haharapin ni Ladon si Rafael Serrano Lozano ng Spain sa men’s 51kg class round habang aariba naman si Laurente kontra kay Mukhammedsabyr Bazarbay Uulu ng Kazakhstan sa men’s 63.5kg.
Sasabak naman si Bacyadan kontra kay Dunia Martinze ng Spain sa women’s 75kg.
Kailangan ni Ladon na makapasok sa Top 4 habang Top 5 naman ang sa dibisyon ni Laurente para makapasok sa Paris Games.
- Latest