Thai pug bagsak kay Tapales
MANILA, Philippines — Inilabas ni two-division world champion Marlon Tapales ang bagsik nito para itarak ang matamis na first-round knockout win upang hablutin ang WBC Asian Continental super bantamweight crown sa labang ginanap sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.
Nagpasabog ng matatalim na suntok si Tapales para mabilis na tapusin si Nattapong Jankaew ng Thailand sa 2:15 marka sa first round.
Sa umpisa pa lang ng laban, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Tapales nang rumatsada agad ito ng kaliwa’t kanang kumbinasyon para mapabagsak ng dalawang beses ang Thai pug.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Tapales nang muli itong bumanat ng solidong atake dahilan para magulpi ng husto si Jankaew at tuluyan nang itigil ng referee ang laban.
Ito ang ika-20 knockout win ni Tapales para umangat ang rekord ng Pinoy champion sa 38-4.
Bagsak naman ang Thai fighter sa 12-4 marka.
Magandang resbak ito para kay Tapales na lumasap ng knockout loss kay world champion Naoya Inoue ng Japan.
Hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy bet at dating world title challenger na si Reymart Gaballo matapos matalo kay Mexican boxer Kenbun Torres.
Tatlong beses tumumba si Gaballo sa first round dahilan para itigil din ng referee ang laban may 2:33 sa oras.
- Latest