Phillips ibabandera ng Petro Gazz vs Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Ipaparada ng top seed Petron Gazz si Fil-Am MJ Phillips sa pagsagupa sa Chery Tiggo sa single-round robin semifinals ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Muling isinuot ni Phillips ang uniporme ng Gazz Angels sa 22-25, 25-23, 25-23, 25-22 pagtakas sa sibak nang Nxled Chameleons sa pagtatapos ng eliminations noong Sabado.
“This game was very important to me ‘cause I just needed a trial run to see how I work with the team and the system and everything. I was a little shaky but we’re gonna get there with more practice,” sabi ni Phillips na makakatambal ni Fil-Am Brooke Van Sickle.
Haharapin ng Gazz Angels ang Crossovers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan ng Choco Mucho Flying Titans at nagdedepensang Creamline Cool Smashers sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inangkin ng Petro Gazz ang No. 1 spot sa Final Four sa kanilang 9-2 record bitbit ang 28 points kasunod ang Choco Mucho (9-2), Chery Tiggo (9-2) at Creamline (8-3) na may 26, 25 at 24 points, ayon sa pagkakasunod.
Sumasakay ang Gazz Angels sa isang five-game winning streak habang pitong sunod na panalo ang ikinasa ng Crossovers.
Isa si Phillips sa mga sasali sa 2024 Korean V-League (KOVO) Women’s Asian Quarter Tryouts sa Abril 29 hanggang Mayo 1, bukod kina Tots Carlos ng Creamline at Mylene Paat ng Chery Tiggo.
Ngunit hindi kagaya nina Carlos at Paat, hindi na kailangan ni Phillips na sumabak sa KOVO tryouts dahil nakapaglaro na siya sa Korean league kamakailan.
Hindi makakalaro si Carlos para sa Cool Smashers kagaya ni Paat sa Crossovers.
- Latest