Karl Yulo wagi ng 2 ginto sa Colombia
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng puwersa ang mga Pinoy gymnasts nang bumanat ito ng walong medalya — tatlong ginto, tatlong pilak at dalawang tanso — sa Pacific Rim Championships na ginanap sa Cali, Colombia.
Nanguna sa ratsada ng Pinoy squad si Karl Eldrew Yulo matapos kumana ng limang medalya — dalawang ginto at tatlong pilak sa men’s division.
Nagpasiklab si Yulo, ang nakababatang kapatid ni world champion at two-time Olympian Carlos Edriel, para pamunuan ang matikas na kamada ng tropa sa Colombia.
Pinagharian ni Yulo ang men’s floor exercise habang nanguna rin ito sa men’s vault.
Proud na proud ang ina nitong si Angelica na nagpasalamat kay Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion at coach nitong si Reyland Capellan.
“Yaaahhhooooo.. You’re undeniably strong and a beast at a very young age. First time to compete at the world stage and yet you’ve finished with flying colors truly indeed that your hard work pays off,” ani Angelica sa post nito sa social media.
Nakahirit pa si Yulo ng tatlong pilak sa men’s individual all-around, still rings at pommel horse para sa maningning na kampanya nito sa torneo.
Nakahirit din ng kani-kanyang medalya ang iba pang miyembro ng koponan na sina John Ivan Cruz, Juancho Miguel Besana at Ancilla Mari Manzano.
- Latest