Lady Pirates makikisosyo sa liderato vs Lady Chiefs
MANILA, Philippines — Nais ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates na manatiling malinis ang karta kaya naman huhugot sila ng puwersa kay Joan Doguna sa pagharap nila sa Arellano University Lady Chiefs sa NCAA Season 99 women’s volleyball na lalaruin sa Filoil EcoOil Arena ngayong araw.
Bukod kay Doguna, sasandalan din ng Intramuros-based squad sina Johna Denise Dolorito at Janeth “Jaja” Tulang upang makuha ang panalo at makasalo sa tuktok ng team standings ang defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers na may 3-0 card.
Subalit tiyak na mapapalaban ng todo ang Lady Pirates dahil pareho sila ng Lady Chiefs ng nasa kukote.
Magsisimula ang kanilang paluan sa alas-10 ng umaga na susundan ng bakbakan sa pagitan ng Letran at EAC sa alas-2 ng hapon.
Nagsisiksikan ang LPU at Arellano sa No. 2 spot kaya isa sa kanilang ang maaaring matupad ang pangarap na kumapit sa unahan.
Si Doguna ang namuno sa opensa para sa Lady Pirates ng talunin nila ang San Sebastian College, 25-18, 25-22, 21-25, 25-23 noong Biyernes habang bumakas sina Dolorito at Tulang ng 15 at 12 markers ayon sa pagkakasunod.
Ipaparada ng Lady Chiefs sina Pauline De Guzman at Laika Tudlasan para ipantapat sa matitikas na players ng Lady Pirates.
Hinarurot ng Lady Chiefs ang Mapua Lady Cardinals sa tatlong sets, 25-21, 25-21, 27-25 sa nakaraang laban upang ilista ang pangalawang sunod na panalo.
Nahirang na Best Player of the Game si Guzman sa panalo ng Arellano matapos magtala ng 12 points lahat galing sa spikes, kasama ang anim na excellent digs at tatlong receptions.
- Latest