Akari krusyal ang laban
MANILA, Philippines — Puntirya ng Akari ang back-to-back wins para mapalakas ang pag-asa sa semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Chargers ang talsik nang Capital1 Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng Cignal HD Spikers at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magkasosyo sa lide-rato ang PLDT Home Fibr at Choco Mucho sa magkatulad nilang 7-1 record kasunod ang nagdedepensang Creamline (6-2), Petro Gazz (6-2), Cignal (5-2), Chery Tiggo (5-2), Akari (3-5), Nxled (3-5), Farm Fresh (2-6), Galleries Tower (2-6), Capital1 (1-7) at Strong Group Athletics (0-7).
Nagmula ang Chargers sa 25-19, 25-17, 25-20 pagsibak sa Highrisers para makasilip ng tsansa sa semis bagama’t hindi naglaro si Ced Domingo (right knee sprain).
“As a team, we just wanted to show ‘yung improvement namin. We need to train ourselves para mag-improve and that is what we need in order to win,” ani Mich Cobb na nagtala ng 18 excellent sets sa panalo ng Akari sa Galeries.
Kailangang walisin ng Chargers ang huli nilang tatlong laro para sa pag-asa sa semis.
Sa ikalawang laro, magpapatibay rin ng pag-asa sa semis ang Crossovers at HD Spikers sa pagbasag sa kanilang pagkakatabla.
- Latest