Ibang klase si Wembanyama
Noong nakaraang Linggo, naisulat ko na manonood kami ng asawa ko ng San Antonio Spurs game kontra sa Golden State Warriors.
Ang buong akala ko, hindi maglalaro ang 7-foot-5 top rookie pick ng Spurs na si Victor Wembanyama at ang star player ng Warriors na si Stephen Curry dahil naibalitang pareho silang may right ankle injury…
Laking tuwa ko nang makita kong pumasok sa court si Wembanyama at sobrang disappointed naman ang asawa ko na naka-Golden State jersey pa dahil hindi naglaro si Curry.
Medyo malayo ang puwesto namin dahil may kamahalan ang game ticket pero okay na rin dahil iba pa rin kapag live game.
Sasabihin ko sa inyo, ibang klase si Wembanyama, Iba talaga ‘pag live mong napanood.
Dahil matangkad at mahaba ang mga braso/kamay bukod pa sa angkin niyang skills, kahit sa TV pa lang, bilib na ko sa kanya.
Kaya talagang hiniling ko sa asawa ko na mapanood siya nang live.
At talaga namang hindi ako na-disappoint.
“Yung dumakdak siya na hindi na niya kailangang umeffort na tumalon dahil parang titingkayad lang siya eh abot na ang ring.
‘Yung laki niyang 7-foot-5, inaabot lang niya ang bola sa rebound at hindi na nakapagtatakang siya ang league-leader ngayon sa blocks.
‘Yung laki niyang ‘yun, tapos makikita mong nagbababa ng bola, tumitira ng tres.
Kaya nga lang, kahit wala si Curry, lumamang pa ng 17 points ang Golden State at halos buong larong naghabol ang Spurs na isinuko ang bandila sa Warriors.
Kailangan pa talagang kumain ng maraming bigas si Wembanyama at ang buong San Antonio team na nasa rebuilding process.
Marami nang record na naitala si Wembanyama sa kanyang rookie year at siguradong marami siyang mawawasak na record kapag naabot na ang kanyang full potential at tumagal sa liga.
At kung mabibigyan si Wembanyama ng sapat at angkop na supporting cast, malayo ang mararating ng Spurs.
Alam n’yo na sino paborito ko ngayon.
- Latest