Kings tinalo ang Bucks matapos ang 8 taon
SACRAMENTO, Calif. — Humataw si star guard De’Aaron Fox ng 29 points para pangunahan ang Kings sa 129-94 pagbugbog sa Milwaukee Bucks.
Ito ang unang panalo ng Sacramento (37-27) kontra sa Milwaukee (42-24) matapos ang walong taon o sapul noong Pebrero 1, 2016.
Humakot si Domantas Sabonis ng 22 points at 11 rebounds para sa kanyang ika-47 sunod na double-double na isang Kings single-season record na unang itinala ni Jerry Lucas noong 1967-68.
Nag-ambag si Malik Monk ng 25 points mula sa bench.
Kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 30 points at 13 rebounds sa panig ng Bucks.
Inilista ng Sacramento ang 75-56 halftime lead at hindi na nilingon pa ang Milwaukee.
Sa Salt Lake City, bumira si Jayson Tatum ng 38 points at may 24 markers si Derrick White sa 123-107 paggiba ng Boston Celtics (51-14) sa Utah Jazz (28-37).
Sa Los Angeles, kumamada si Anthony Edwards ng 37 points, habang umiskor si Nickeil Alexander-Walker ng season-high 28 markers sa 118-100 demolisyon ng Minnesota Timberwolves (45-21) sa Clippers (41-23).
Sa San Antonio, kumalabit si guard Fred VanVleet ng 21 points sa 103-101 pagtakas ng Houston Rockets (30-35) sa Spurs (14-52).
Sa Oklahoma City, nagposte si Myles Turner ng 24 points, habang nagtala si Tyrese Haliburton ng 18 points at 12 assists sa 121-111 panalo ng Indiana Pacers (37-29) sa Thunder (45-20).
- Latest