Bossing tuloy ang pananalasa
MANILA, Philippines — Tinambakan ng Blackwater ang Converge, 90-78, para mapalawig ang unbeaten start nito at pansamantalang masolo ang liderato ng 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Sumandal sa pambihirang first half ang Bos-sing, kung saan lumamang sila agad ng 30 puntos, at hindi na lumingon pa tungo sa ikatlong sunod na tagumpay sa tatlong laro ng All-Filipino Conference.
Limang players ang nag-akbay na may double digits para sa Blackwater sa pangunguna ng rookie na si Christian David matapos pumukol ng 16 puntos, 5 rebounds, 1 assist, 1 steal at 1 tapal.
Nag-ambag ng 14 si Rey Suerte, may tig-12 sina RK Ilagan at Richard Escoto habang may kumpletong 10 puntos, 8 rebounds, 4 assists at 2 tapal si Troy Rosario.
Nakabalik sa aksyon si Rey Nambatac mula sa natamong ankle injury kontra Talk ‘N Text upang kumamada ng 7 puntos, 6 rebounds at 8 assists habang may 5 puntos si James Yap para sa mga bagong alas ng Blackwater.
“The focus on defense was really something for us. We came in with the game plan and we’re happy with the execution,” ani head coach Jeff Cariaso sa kumbinsindong panalo kontra sa dati niyang koponan.
Matapos kaldagin ang Meralco, 96-93, at Talk ‘N Text, 87-76, ay hindi pa rin naawat ang Blackwater kontra sa Converge nang umalagwa ito agad sa 30-14 bentahe pagkatapos ng first quarter na siyang nagdikta ng laro.
Lumobo ito sa 53-22 sa kalagitnaan ng second hanggang umabot pa sa 35 puntos na abante sa third, 70-35, para sa kumpletong dominasyon ng Blackwater tungo sa tagumpay.
Kumamada ng 24 puntos si Alec Stockton para sa Converge subalit nalasap pa rin nila ang ikatlong sunod na pagkatalo.
- Latest