Van Sickle papagitna sa Petro Gazz vs SGA
MANILA, Philippines — Matapos tulungan ang Petro Gazz sa panalo sa nakaraang Philippine National Volleyball Federation (PNVF Champions League), ang pagkopo sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference title naman ang hangad ni Fil-Am Brooke Van Sickle.
Aagaw ng eksena ang 24-anyos na PNVF MVP at Best Outside Spiker sa pagsagupa ng Gazz Angels sa baguhang Strong Group Athletics ngayong alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
“For me, I just want to be as consistent as possible. I think that will hopefully be my role. I want to be there for my teammates,” wika ni Van Sickle.
Bukod sa University of Hawaii standout, aasahan din ng Petro Gazz sina Myla Pablo, MJ Philips, Remy Palma, Jonah Sabete at Aiza Maizo-Pontillas katapat sina Justine Rebleza, Dolly Versoza, Javen Sabas, Souzan Raslan, Jana Sta. Maria at Lilet Mabbayad ng SGA.
Sa ikalawang laro sa alas-6 ng gabi ay magtutuos ang Chery Tiggo at bagitong Capital1 Solar Energy.
“Gutom sila sa playing time so I am very sure they will give it their all each game. Lalaban sila ng sabayan sa mga established teams in the league,” sabi ni coach Roger Gorayeb sa kanyang Solar Spikers.
Sina Heather Guino-o at Jannine Navarro, Arriane Layug, Jorelle Singh at Janeca Lana ang mamumuno sa tropa nina co-owners Mandy at Milka Romero.
Ipaparada ng Crossovers sina dating F2 Logistics veterans Aby Maraño at Ara Galang kasama si reigning All-Filipino Conference 1st Best Outside Spiker Eya Laure.
- Latest