Nambatac nahugot ng Blackwater sa RoS
MANILA, Philippines — Pinakawalan ng Blackwater si Baser Amer pero nakuha naman nila si veteran guard Rey Nambatac mula sa Rain or Shine.
Dalawang draft picks ang ibinigay ng Bossing sa Elasto Painters para mahugot si Nambatac sa kasagsagan ng Commissioner’s Cup Finals tampok ang San Miguel Beer at Magnolia.
Inaprubahan na ng Commissioner’s Office ang nasabing trade ng Blackwater at Rain or Shine.
Dahil dito ay may kapalit kaagad si Amer na hindi na nag-renew ng kontrata sa Bossing matapos itong mapaso noong Disyembre 31.
Nasa NLEX na si Amer bilang bago niyang koponan matapos ang contract signing nitong linggo.
Bukod naman kay Nambatac, nauna nang nasikwat ng Blackwater ang serbisyo ni veteran star James Yap mula rin sa Rain or Shine.
Isang taon ang kontrata ni Yap sa Bossing kasama ang endorsement deal matapos ang pitong taon sa Elasto Painters buhat nang matampok sa blockbuster trade mula sa original team na Magnolia (dating Purefoods) kapalit ni Paul Lee.
Kagagaling lang ng Blackwater sa maalat na kampanya sa Commissioners’ Cup bitbit ang 1-10 kartada habang may 6-5 at 4-7 marka ang Rain or Shine at NLEX, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, kasalukuyan pang naglalaban ang San Miguel at Magnolia sa Game Six habang isinusulat ito kagabi.
Bitbit ng Beermen ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven championship series ng Hotshots.
- Latest