Orlando Magic pinalubog ang Phoenix Suns
ORLANDO, Fla. -- Kumamada si Paolo Banchero ng 26 points para banderahan ang Magic sa 113-98 pagpapabagsak sa Phoenix Suns.
Sinapawan ng Orlando (24-22) ang hinataw na 44 markers ni Devin Booker sa panig ng Phoenix (26-20).
Inilaglag ng Magic ang Suns sa ikalawang dikit na kamalaan matapos magposte ng seven-game winning streak.
Ginamit ng Orlando ang kanilang depensa sa Phoenix sa pangunguna ng 6-foot-10 na si Banchero kasama sina 6’10 Franz Wagner, 6’11 Moritz Wagner at 6’11 Jonathan Isaac.
Tumapos si Moritz Wagner na may 16 points at 12 rebounds, habang may 14, 11 at 10 markers sina Markelle Futz, Franz Wagner at Jalen Suggs, ayon sa pagkakasunod.
Nilimitahan din ng Magic si Booker sa dalawang puntos sa kabuuan ng fourth quarter sa panig ng Suns na nakahugot kay Kevin Durant ng 15 points.
Ang three-point shot ni Franz Wagner ang nagbigay sa Orlando ng 97-92.
Sa Atlanta, ang follow up dunk ni Saddiq Bey mula sa mintis ni Trae Young sa nalalabing 1.1 segundo ang nagtakas sa 126-125 panalo ng Hawks (19-27) kontra sa Toronto Raptors (16-30).
Sa Indianapolis, nagsalpak si Bennedict Mathurin ng 24 points mula sa bench at kumonekta si Jalen Smith ng isang go-ahead three-pointer late para tulungan ang Indiana Pacers (27-20) sa 116-110 pagdaig sa Memphis Grizzlies (18-28).
Sa Portland, tumipa si DeMar DeRozan ng 20 points at tinapos ng Chicago Bulls (22-25) ang kanilang two-game losing skid sa 104-96 paggupo sa Trail Blazers (13-33).
- Latest