Angels may bagong recruit, Japanese coach
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Petro Gazz ang team nito matapos kunin ang serbisyo ng US-NCAA standout at Japanese coach isang buwan bago magsimula ang Premier Volleybal League (PVL).
Hinugot ng Gazz Angels si Filipino-American outside hitter Brooke Van Sickle na malalim ang karanasan na makakatulong sa kanilang kampanya sa liga.
Naglaro si Van Sickle para sa University of Oregon at University of Hawaii (UH) kung saan ilang awards din ang nakuha nito sa liga.
Nakasungkit ang 24-anyos na si Van Sickle ng Most Valuable Players award gayundin ng Best Scorer at Best Outside Spiker sa 2021-2022 US-NCAA Big West’s All-Conference Team.
Makakasama ni Van Sickle sa ratsada ng Gazz Angels sa wing position sina power hitting Myla Pablo at opposite spiker Michelle Morente.
Maliban kay Van Sickle, kinuha rin ng Gazz Angels si Japanese Koji Tsuzurabara bilang bagong head coach.
Malalim din ang experience ni Tsuzurabara kung coaching ang pag-uusapan.
Naging coach na ito sa ilang volleyball clubs sa Saudi Arabia, Thailand, Malaysia, Myanmar, New Zealand, Taiwan, Vietnam at sa Japan.
Hinawakan ni Tsuzurabara ang Vietnamese team na Kinh Bac Bac Ninh U19 women’s team (2022-2023) at Taiwan women’s national team (2019-2022).
Naging coach din ito ng Oita Miyoshi Weisse Alder sa Japan V.League.
Pinalitan ni Tsuzurabara si Timmy Sto. Tomas na dating Petro Gazz head coach.
- Latest