Filipinas pararangalan sa PSA Annual Awards
MANILA, Philippines — Maningning ang taong 2023 para sa Philippine women’s football team.
Nangunguna na sa listahan nito ang matagumpay na kampanya sa prestihiyosong FIFA Women’s World Cup.
Gumawa ng kasaysayan ang Filipinas nang makapasok ito sa FIFA World Cup na ginanap sa New Zealand at Australia.
Ngunit mas lalo pang nagningning ang Filipinas nang maitarak nito ang kauna-unahang panalo nito sa world meet matapos sorpresahin ang co-host New Zealand sa pamamagitan ng 1-0 panalo.
Bigo man na makapasok sa knockout stage ang Filipinas, umuwi ito nang nakataas ang noo dahil sa kasaysayang ginawa nito sa FIFA World Cup.
Kaya naman karapat-dapat na parangalan ang Filipinas ng ‘Golden Lady Booters’ Special Award sa San Miguel Corporation-PSA Annual Awards Night na idaraos sa grand ballroom ng Diamond Hotel sa Enero 29.
Makakasama ng Filipinas sa mga gagawaran ng parangal si Ernest John Obiena na bibigyan ng Athlete of the Year award sa programang suportado ng ArenaPlus,Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart at Milo.
Kikilalanin din ang mga medalist sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China at 2023 Southeast Asian Games na idinaos naman sa Cambodia.
Kasama rin sa mga awardees ang medalists sa Asean Para Games at Asian Para Games sa event na suportado rin ng Philippine Basketball Association, Premier Volleyball League, Rain or Shine, at 1-Pacman Partylist ni Rep. Mikee Romero.
Nakapasok sa FIFA World Cup ang Filipinas matapos umabot sa semifinals ng AFC Women’s Asian Cup noong 2022.
Isa sa mga naasahan ng Filipinas si Sarina Bolden na siyang humataw ng game-winning goal kontra sa New Zealand.
- Latest