Romeo lalaro na sa Beermen
MANILA, Philippines — Balik-aksyon na si Terrence Romeo na nasilayan na sa ensayo ng San Miguel Beer.
Inaasahang makapaglalaro na si Romeo para sa Beermen sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup.
May halos isang buwan din na hindi nakapaglaro si Romeo matapos magtamo ng injury sa laban ng San Miguel Beer at Meralco noong Nobyembre 20.
Sumailalim sa rehabilitasyon si Romeo kaya’t naging mabilis ang paggaling ng injury nito.
Dahil dito, sumalang na sa magaan na training si Romeo.
Inaasahang makapaglalaro na ito bukas sa oras na makasagupa ng Beermen ang reigning Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra.
Malaking tulong ang pagbabalik ni Romeo lalo pa’t nakalugmok ang Beermen sa 3-3 rekord.
Mula sa 3-1 na simula, lumasap ang Beermen ng dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng NorthPort Batang Pier at Magnolia Hotshots.
Bangas ang lineup ng Beermen dahil nagtamo rin si seven-time Most Valuable Player June Mar Fajardo ng wrist injury.
Nauna nang nagtamo ng injury sina Jeron Teng at Vic Manuel.
Nadagdag naman sa lineup ng San Miguel Beer si Don Trollano na galing sa three-team trade.
- Latest