Pinoys may 6 medals sa World Wushu
MANILA, Philippines — Kumana ang Pinoy wushu team ng anim na medalya — isang ginto, apat na pilak at isang tansong medalya sa sa prestihiyosong 16th World Wushu Championships na ginanap sa Forth Worth, Texas sa Amerika.
Naibulsa ng Pilipinas ang nag-iisang gintong medalya nito mula sa mahusay na performance nina Pinoy trio Mark Lester Ragay, Mark Anthony Polo at Vincent Ventura.
Namayagpag sina Ragay, Polo at Ventura sa men’s duilian event para masigurong hindi uuwi ang Pinoy squad na bokya sa gintong medalya.
Ito ang ika-20 gintong medalya ng Pilipinas sapul nang sumalang ito sa World Championships.
Nauna nang sumiguro ng pilak na medalya si dating Asian Games bronze medalist at Southeast Asian Games champion Agatha Wong sa kanyang event na taijiquan.
Ito ang ikalawang silver ni Wong sa World Championships.
Nagdagdag din ng tig-iisang pilak sina 2023 SEA Games bronze medalist Jenifer Kilapio, two-time sanda World Cup gold medalist Arnel Mandal at 2023 World Combat Games silver medalist Clemente Tabugara Jr. matapos matalo sa kanilang mga gold-medal matches.
Yumuko si Kilapio sa kamay ng Vietnamese fighter sa iskor na 1-2 sa 48kg. class habang natalo naman si Mandal sa Chinese bet, 1-2, sa 52kg. category.
Galing naman ang tanso kay 2023 SEAG podium finisher Russel Diaz sa sanda 48kg category.
Sa kabuuan, tumapos ang Pilipinas sa ikapitong puwesto sa World Championships.
- Latest