Maxey hataw ng 50 pts sa panalo ng 76ers
PHILADELPHIA — Nagpasabog si Tyrese Maxey ng career-high 50 points habang may 37 markers si Joel Embiid sa 137-126 pagsagasa ng 76ers sa Indiana Pacers.
Nagtala rin si Maxey ng 7 rebounds, 5 assists at blocks para sa Philadelphia (8-1) at inihandog ang kanyang performance kay teammate Kelly Oubre Jr. na nabalian ng rib matapos mabangga ng kotse sa isang hit-and-run incident sa Center City noong Sabado ng gabi.
Ang huling basket ni Maxey ay isang 32-foot step-back 3-pointer sa natitirang 1:05 minuto ng fourth period mula sa pasa ni Embiid.
Ito ang best nine-game start ng 76ers matapos ang 10-0 record noong 2000-01 patungo sa NBA Finals.
Umiskor si Tyrese Haliburton ng 25 points para sa Pacers (6-4) kasunod ang 22 markers ni Myles Turner.
Sa Houston, tumipa si Fred VanVleet ng 26 points at may 23 markers si Alperen Sengun sa 107-104 pagsapaw ng Rockets (6-3) sa nagdedepensang Denver Nuggets (8-2).
Sa Los Angeles, bumanat si Desmond Bane ng 27 points para akayin ang Memphis Grizzlies (2-8) sa 105-101 pagdaig sa Clippers (3-6).
Sa New Orleans, naglista si Kyrie Irving ng 35 points habang may 30 markers si Luka Doncic sa 136-124 paggupo ng Dallas Mavericks (8-2) sa Pelicans (4-6).
Sa New York, kumolekta si Mikal Bridges ng 27 points at 13 rebounds sa 102-94 panalo ng Brooklyn Nets (5-5) sa Washington Wizards (2-7).
- Latest