PSA Awards idaraos sa Enero 29
MANILA, Philippines — Magniningning ang gabi tampok ang mga Pinoy athletes na pararangalan sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night na gaganapin sa Enero 29 sa Diamond Hotel sa Maynila.
Bumabandera sa mga kandidato para sa Athlete of the Year award sina Asian Games gold medal winners EJ Obiena, Meggie Ochoa, Annie Ramirez at ang Gilas Pilipinas.
Kasama rin sa pinagpipilian ang Filipinas football team.
Pare-parehong sumungkit ng gintong medalya sina Obiena (pole vault), Ochoa at Ramirez (jiu-jitsu) at Gilas Pilipinas (basketball) sa kani-kanyang dibisyon.
Tumapos ang Team Philippines sa ika-14 puwesto tangan ang apat na ginto, dalawang pilak at 12 tanso sa Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Ito ang pinakamataas na puwesto ng Pilipinas sa Asian Games sa loob ng halos tatlong dekada sa Hiroshima, Japan.
Maningning din ang Filipinas na nakapasok sa prestihiyosong FIFA Women’s World Cup sa New Zealand sa kauna-unahang pagkakataon.
Mas lalo pa itong naging makulay nang maitala ng Filipinas ang 1-0 panalo kontra sa New Zealand tampok ang nag-iisang goal mula kay Sarina Bolden.
Pararangalan din ang mga atletang nagningning sa Southeast Asian Games, Asean Para Games at Asian Para Games.
Dadaluhan ang gabi ng parangal nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann at Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham Tolentino.
Maliban sa Athlete of the Year, igagawad din ang iba pang parangal gaya ng Lifetime Achievement Award, Executive of the Year, President’s Award, National Sports Association (NSA) of the Year, Mr. Basketball, Ms. Volleyball, Ms. Football at Tony Siddayao Awards.
Mayroon ding Major Awards at citations sa mga athletes, officials, at entities na nagpasiklab sa nakalipas na taon.
- Latest