9th place sa APG inupuan ng Team PH
MANILA, Philippines — Tagumpay ang Pinoy athletes nang masikwat nito ang ikasiyam na puwesto sa final medal tally sa 4th Asian Para Games na ginanap sa Hangzhou, China.
Humakot ang Team Philippines ng kabuuang 10 ginto, apat na pilak at limang tansong medalya para malampasan ang ika-11 puwestong pagtatapos ng Pilipinas noong 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.
Pinakamaningning ang chess team na humakot ng mayorya ng ginto ng Pilipinas sa quadrennial meet.
Nakalikom ang para chess squad ng walong ginto — mas marami kumpara sa limang ginto na nakuha ng tropa noong 2018 edisyon ng torneo.
Nanguna sa ratsada ng chess team si Menandro Redor na may tatlong gintong medalya — isang individual at dalawang team events.
Kasama ni Redor sa chess team na kumana ng gintong medalya sina Cheyzer Mendoza, Henry Lopez, Darry Bernardo, Arman Subaste, Sander Severino at Jasper Rom na namayagpag sa kani-kanyang individual at team events.
Nagparamdam din sina Paralympians Ernie Gawilan at Jerrold Mangliwan para makapag-ambag ng gintong medalya sa Team Philippines.
Wagi ng ginto si Gawilan sa men’s 400m freestyle S7 habang may tanso naman ito sa 200m individual medley SM7 event sa swimming.
- Latest