Red Lions nilapa ang Heavy Bombers
MANILA, Philippines — Nagpasabog si Jacob Cortez ng bagong career-high na 24 points para banderahan ang San Beda University sa 74-70 pagdaig sa Jose Rizal University sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tumipa rin si Cortez ng 5 rebounds, 2 assists at 4 steals habang may 12 markers si Peter Alfaro para sa 4-2 record ng Red Lions na inilaglag ang Heavy Bombers sa 4-3 kartada.
Si assistant coach Andre Santos ang humawak sa Mendiola-based team dahil sa pagsisilbi ni head coach Yuri Escueta sa kanyang one-game suspension sa kanilang laro ng Lyceum.
“Whether coach Yuri was here or not, we just had to find a way. And thankful ako sa mga boys na nag-respond sila sa akin well,” ani Santos.
Ang salaksak ni Cortez laban kay Shawn Argente ng Jose Rizal ang nagbigay sa San Beda ng 71-70 abante sa huling minuto ng fourth period.
Sa ikalawang laro, itinakbo ng Mapua ang 87-83 panalo laban sa Lyceum para sa kanilang 6-1 baraha at agawin ang solong liderato.
Bagsak ang Pirates sa kanilang ikalawang dikit na kamalasan para sa 6-2 marka matapos ang 6-0 panimula sa torneo.
- Latest