Arellano inilaglag ang Letran sa 0-5
MANILA, Philippines — Tinapos ng Arellano University ang kanilang kamalasan matapos talunin ang ‘three-peat’ champions Letran, 87-80, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Humakot si Felix Villarente ng 15 points para sa 1-4 baraha ng Chiefs habang nag-ambag sina Troy Valencia, Jade Talampas at Lars Sunga ng 14, 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Si Villarente walk-in, dating Team B at matagal na hindi na lilineup. Pinag-tryout ko at lahat ng walk in kasama ng holdovers tapos kung sino matira matibay,” ani coach Chico Manabat.
Lagapak naman ang Knights sa 0-5 baraha.
Samantala, giniba ng nangungunang Lyceum ang San Beda, 67-62, kung saan napatalsik sa laro sina Red Lions coach Yuri Escueta at Pirates center Shawn Umali.
Sinibak si Escueta sa second quarter dahil sa ikalawa niyang technical foul at nawala sa laro si Umali dahil din sa pangalawa niyang technical.
May 6-0 record ngayon ang Lyceum na inihulog ang San Beda sa 3-2.
Tinakasan naman ng Mapua ang Emilio Aguinaldo College, 73-69, para sa kanilang 4-1 kartada habang nalasap ng huli ang 2-2 marka.
Humakot si Jopet Soriano ng 15 points, 6 rebounds at 4 blocks para banderahan ang Cardinals na nakahugot kina Paolo Hernandez , Ferdie Asuncion, Clint Escamis at JC Recto ng tig-11 at tig-10 markers, ayon sa pagkakasalansan.
Nalasap naman ng Generals ang pangalawang talo sa apat na asignatura.
- Latest