Gilas kampeon sa asiad Ramirez naka-gold din
MANILA, Philippines — Animnapu’t isang taon.
Matagal, mailap at masalimuot ang naging paghihintay subalit sa wakas ay naangkin uli ng Gilas Pilipinas ang asam na gintong medalya matapos ang 70-60 panalo kontra sa Jordan sa finals ng 2023 Asian Games kahapon sa Hangzhou Olympic Sports Center sa China.
Matamis na higanti ito ng Gilas kontra sa Jordan matapos ang 87-62 kabiguan sa Jordanians sa elimination round upang mawakasan ang ilang dekadang alat ng luha at sakit sa sunud-sunod na kabiguan sa prestihiyosong quadrennial tournament.
Ito ang unang kampeonato ng Gilas na balik sa tuktok ng trono ng Asian basketball simula 1962.
At tulad ng kanyang pamamayani kontra sa China, bumandera uli sa Nationals ang naturalized player na si Brownlee na kumamada ng 20 puntos, 10 rebounds, 5 assists at 2 steals.
Ngayon, nakakuha siya ng suporta mula kay Ange Kouame na may 14 puntos, 11 rebounds, 5 steals at 2 blocks pati na kina Chris Newsome at Scotite Thompson, ayon sa pagkakasunod.
Muling humugot ng gold medal ang Pilipinas mula sa mga atleta ng jiu-jitsu.
Dinaig ni Annie Ramirez si Galina Duvanova ng Kazakhstan, 2-0, sa finals ng women’s -57 kilogram division para sa ikatlong ginto ng bansa.
Apat na gold, dalawang silver at 15 bronze medals ang kinolekta ng Pinas noong 2018 Asian Games na idinaos sa Palembang, Indonesia para tumapos sa No. 19 sa overall standings.
Nagdagdag si Kaila Napolis ng tanso matapos talunin si Hessa Alshmsi ng United Arab Emirates, 4-2, sa semifinals ng women’s -52kg category.
Isang bronze din ang kontribusyon nina sepak takraw team members Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Ronsited Gabayeron, Mark Joseph Gonzales at Jom Lerry Rafael matapos ang 0-2 kabiguan sa Malaysia sa semifinals ng men’s regu category.
Ito ang pang-12 tanso ng delegasyon.
- Latest