Resbak o sadsad
Muling sasabak sa Asian basketball competition si coach Tim Cone matapos kapusin sa kanyang unang journey noong 1998 Asiad sa Bangkok, Thailand.
Natalo sa South Korea sa semifinals at dapa sa China sa final match, kaya nakuntento sa bronze medal ang Philippine Centennial team sa ilalim ng pamumuno ni Cone noong Bangkok Games.
Ang siste eh, limitado si Cone at ang kanyang koponan sa iilang araw na training para sa kanilang kampanya sa Hangzhou, China.
Pero kahit na marami ang hindi available for duty, masasabing maganda pa ring koponan ang isasabak ni Cone sa giyera — kasama dito ang kanyang mga Ginebra stalwarts na sina Justin Brownlee, Japeth Aguilar at Scottie Thompson at ganoon din sina San Miguel aces June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter at Chris Ross.
At isang importanteng sahog ang gigil ng grupo na ito na itayo ang bandera sa Hangzhou Games.
“Determinado ang lahat na lumaban,” ani team manager Alfrancis Chua.
Sisimulan nila ang kanilang kampanya kontra Bahrain ngayong hapon (1:30 p.m.) sa Hangzhou Olympics Sports Centre.
Kalaban din nila ang Thailand at Jordan sa group play at habol nila ang top position para automatic na makausad sa quarterfinals.
Kasama sa labanan ang iba pang traditional Asian powers na China, Korea, Japan, Iran, Kazakhstan at Qatar.
Nakataya kay coach Tim ang tsansang makaresbak o panibagong saladsad.
- Latest