South Sudan hinablot ang Olympic Berth
MANILA, Philippines — Tuluyan nang isinubi ng South Sudan ang tiket sa 2024 Olympic Games matapos talunin ang Angola, 101-78, tampok ang pagbibida ni Carlik Jones sa 2023 FIBA World Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si Jones, ang NBA G League MVP at maglalaro para sa Chicago Bulls sa darating na NBA season, ng 26 points, 15 assists at 7 rebounds para sa pagiging best placed team ng South Sudan sa African region.
Nauna nang tumipa ang 25-anyos na si Jones ng 17 points, 14 assists at 9 boards sa kanilang pagdaig sa Gilas Pilipinas noong Huwebes.
Tumabla rin si Jones sa all-time single game mark na 15 assists na ipinoste ni Toni Kukoc ng Croatia noong 1994 laban sa China.
Pormal na nakamit ng mga Sudanese ang Olympic spot sa Paris, France matapos ang 88-86 paglusot ng New Zealand sa Egypt sa MOA Arena sa Pasay City.
Inunahan ng South Sudan, tumapos na may 3-2 record sa Group N, para sa Olympic berth ang Egypt (2-3) sa Group M, Cote d’Ivoire (1-3) sa Group P, Cape Verde (1-3) sa Group O at Angola (1-4) sa Group M.
Nakapasok ang South Sudan sa World Cup mula sa kanilang 11-1 baraha sa African qualifiers.
Naglaro ang Angola na wala si leading scorer Bruno Fernando ng Atlanta Hawks na sinamantala ng South Sudan sa pagpapakawala ng 15-4 atake patungo sa kanilang 10-point lead sa first quarter.
Sa Okinawa Arena sa Japan, pinatumba ng Finland ang Venezuela, 90-75, tampok ang 30 markers ni Utah Jazz star center Lauri Markkanen.
- Latest