Ginto lulundagin ni Obiena
MANILA, Philippines — Puntirya ni Tokyo Olympics veteran Ernest John ‘EJ’ Obiena na masikwat ang gintong medalya sa prestihiyosong World Athletics Cham-pionships na ginaganap sa Budapest, Hungary.
Ibubuhos ni Obiena ang lahat ng lakas nito para masiguro ang ginto sa men’s pole vault finals laban sa matitikas na atletang nakapasok din sa final round.
Umusad sa finals ang 27-anyos Pinoy bet matapos maabot ang qualifying mark sa elimination round noong Miyerkules.
Nagtala si Obiena ng 5.75 metro para masiguro ang puwesto sa finals.
Hawak ni Obiena ang personal best sa season na ito na 6.0m bagong Asian record.
Kung makukuha ni Obiena ang naturang marka, malinaw na makasisiguro ito ng medalya.
Hangad ni Obiena na malampasan nito ang bronze-medal finish noong 2022 edisyon sa Eugene, Oregon.
Magiging tinik sa kampanya ni Obiena si reigning Olympic champion, world champion at world record holder Armand ‘Mondo’ Duplantis ng Sweden.
Ang reigning world No. 1 na si Duplantis ay may season best na 6.22 meters na naitala nito sa Clermont - Ferrand noong Pebrero.
Kaya naman matin-ding laban ang haharapin ni Obiena para maisakatuparan ang inaasam na ginto.
Pasok din sa finals si world No. 2 Chris Nilsen ng Amerika, Huang Bokai at Yao Jie ng China, Robert Sobera at Piotr Lisek ng Poland, at Zach Mcwhorter ng Amerika.
Nasa finals din sina Kurtis Marschall ng Australia, Ersu Sasma ng Turkey, Claudio Stecchi ng Italy, Ben Broeders ng Belgium at Thibaut Collet ng France.
- Latest