Tolentino masaya sa resulta ng ROTC Games Visayas leg
ILOILO CITY, Philippines — Kuntento si Sen. Francisco Tolentino sa naging takbo ng kauna-unahang 2023 Reserved Officers’ Training Corps.(ROTC) Games Visayas Leg dito.
Ito ay sa kabila ng ilang kalituhan sa gagamiting sistema at patakaran pati na ang mga venues ng mga kadete sa athletics, boxing, arnis, kickboxing, volleyball, basketball at esports.
“Sa tingin ko naman po successful kasi ito iyong kauna-unahan and we’ve learned a lot of lesson para pagpunta po doon sa Mindanao leg sa Zamboanga City ay mas lalo pong maisaayos,” ani Tolentino kahapon sa PSC Hour program.
“Napakaganda po ng koordinasyon ng Philippine Sports Commission, ng Armed Forces of the Philippines at ng Commission on Higher Education,” dagdag nito.
Kumpiyansa ang Senador na magiging sistematiko at maayos na ang pagdaraos ng ROTC Games sa Mindanao at Luzon legs.
Idaraos ang Mindanao leg sa Zamboanga City sa Agosto 27 hanggang Setyembre 2 kasunod ang Luzon leg sa Cavite sa Setyembre 17 hanggang 23.
Ang mga gold at silver medalists ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy sa Luzon, Visayas at Mindanao legs ang maglalaro sa National Championships sa Metro Manila sa Oktubre.
Sa medal standings ay humakot ang Army ng 12 gold, 12 silver at 14 bronze medals kasunod ang Air Force (12-12-8) at Navy (3-3-2).
Nakatakda ngayong araw ang mga finals sa basketball, volleyball at boxing competitions.
- Latest