Lady Falcons dadagitin ang korona
MANILA, Philippines — Puntirya ng Adamson University na muling masawata ang reigning UAAP champion De La Salle University upang maipormalisa ang pagkopo sa kampeonato ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals.
Nakatakda ang Game Two sa pagitan ng Lady Falcons at Lady Spikers ngayong alas-4 ng hapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Lalarga rin ang battle-for-third match ng University of Santo Tomas at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2 ng hapon.
Bitbit ng Adamson ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship series matapos itarak ang 22-25, 25-17, 17-25, 27-25, 16-14 comeback win laban sa La Salle sa Game One.
Naging sandalan ng Lady Falcons sa naturang panalo si team captain Lucille Almonte na nagrehistro ng 24 points.
Nakakuha siya ng solidong suporta mula kina Ayesha Juegos, Lorene Toring at Sharya Ancheta gayundin kay super rookie Red Bascon na umiskor ng dalawang huling puntos ng Lady Falcons para makuha ang come-from-behind win.
“Kailangang gustuhin natin na laging manalo. When it comes na tatapak kami sa loob ng court at maglalaro lang kami na La Salle ang kalaban natin, kakainin tayo ng buhay ng La Salle,” sabi ni Adamson head coach JP Yude.
Ngunit hindi basta-basta susuko ang La Salle na malalim na ang karanasan sa mga finals series.
Kailangang kumayod nang husto ng Lady Spikers sa pangunguna ni opposite spiker Shevana Laput na bumanat ng 30 points sa series opener.
Hahataw din sina middle blocker Thea Gagate at outside hitter Alleiah Malaluan para maipuwersa ng La Salle ang rubber match.
“Everybody gave their all but there’s always room for improvement for all of us. It’s a lesson to work harder and play smarter. Obviously, (with) the winner and positive mindset, I know we can do this but it is (about) putting into work and the effort,” ani Laput.
Kailangan ding bawasan ng Lady Spikers ang errors nito matapos makagawa ng 33 sa Game One.
- Latest