Gilas lineup bangas na naman!
MANILA, Philippines — Ilang araw bago magsimula ang FIBA World Cup, bangas na naman ang lineup ng Gilas Pilipinas.
Ito ay matapos mapaulat na hindi na makalalaro pa si Poy Erram na may iniindang injury sa kanyang tuhod.
Nakita sa pagsusuri na namamaga ang tuhod nito at nangangailangan na ng agarang atensiyong medikal para hindi na lumala pa.
Posibleng sumalang ito sa operasyon na nangangailangan ng ilang buwan na pahinga.
Dahil dito, hindi na makalalaro si Erram sa FIBA World Cup at posible rin sa ilang laro ng Talk ’N Text sa nakatakdang pagbubukas ng PBA season.
Nauna nang nawala sa Gilas Pilipinas si reigning PBA MVP Scottie Thompson na nagtamo ng injury sa kamay.
Gayunpaman, masuwerte ang Gilas Pilipinas dahil malalim ang pool nito.
Inaasahang papalit sa puwesto ni Thompson si CJ Perez na sinubukan na ni head coach Chot Reyes na maging point guard ng Gilas Pilipinas sa pocket tournament sa Guangdong, China.
May ilang bigmen din na nakalinya sa Gilas Pilipinas kapalitan ni Erram gaya nina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar.
Papasok na rin sa training camp si Kai Sotto na sumasailalim pa sa rehabilitasyon mula sa kanyang back injury.
Dagdag na puwersa pa ang pag-entra ni NBA star Jordan Clarkson na dumating na sa Maynila noong Martes.
- Latest