Game 1 dinagit ng Lady Falcons
MANILA, Philippines — Kumayod ng husto ang Adamson University upang kubrahin ang dikdikang 22-25, 25-17, 17-25, 27-25, 16-14 panalo laban sa reigning UAAP champion De La Salle University sa Game 1 ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals championship series kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagsilbing lider ng Lady Falcons si outside hitter Lucille Almonte na bumanat ng 24 puntos kabilang ang dalawang krusyal sa huling sandali ng laro para pamunuan ang kanilang tropa na makuha ang 1-0 abante sa best-of-three championship series.
“I’m happy never kami sumuko, sinunod nila yung sinabi ko. I think kung sino yung gustong manalo yun talaga (ang mananalo),” ani Almonte.
Lumayo ng bahagya ang Lady Falcons sa fifth set mula sa back-to-back hits ni Almonte para sa 13-10 kalamangan.
Nagawang tumabla ng Lady Spikers sa 14-all mula sa crosscourt attack ni opposite spiker Shevana Laput.
Ngunit iyon na lamang ang nakayanan ng La Salle matapos hatawin ni Bascon ang huling dalawang puntos ng Adamson para makuha ang panalo.
Lumamang ang La Salle sa attacks tangan ang 64-56 edge kontra sa Adamson.
Mayroon pa itong 12-10 bentahe sa aces at 9-8 sa blocks.
Subalit nakagawa ang Lady Spikers ng 33 errors sa buong panahon ng laro na siyang naging malaking butas nito.
Sa unang laro, inilampaso ng University of Santo Tomas ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-15, 25-22, 25-15, upang makalapit sa bronze medal.
Bumandera si Regina Jurado na humataw ng 19 puntos para pamunuan ang Golden Tigresses na makuha ang 1-0 bentahe sa best-of-three battle-for-third.
Nagdagdag si rookie spiker Angeline Poyos ng 13 puntos samantalang may tig-10 hits sina Xyza Gula at Mary Banagua para sa UST.
- Latest