Jockey Estorque swabe ang pagkakadala sa Diamond Story
MANILA, Philippines — Hinangaan ng mga karerista sa mahusay na pagkakadala ni jockey Jomer Estorque sa Diamond Story matapos sikwatin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Sa pangatlo ipinuwesto ni Estorque ang Diamond Story pag-arangkada sa largahan, pinanood nito ang naglulutsahan na Minimal Invasive at The Alpha Male.
Pagsapit ng far turn ay kumuha na ng unahan ang The Alpha Male habang ang Diamond Story ay nagsisimula na rin uminit at lumapit sa bumabandera.
Pagdating ng home turn ay isang kabayo pa ang lamang ng The Alpha Male subalit sa rektahan ay nakakapit na ang Diamond Story at sa huling 100 metro ay lumampas na ang winning horse sa una.
Tinawid ng Diamond story ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang The Alpha Male.
Nilista ng Diamond Story ang tiyempong 1:28 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize, tersero dumating sa finish line si Trump Peter habang pumang-apat ang Riga.
- Latest