Sky Lover nanilat sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang Sky Lover noong Linggo ng hapon matapos nitong manalo sa 3-Year-Old Maiden Race na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Nirendahan ni jockey John Allysson Pabilic, ipinuwesto nito ang Sky Lover sa pangalawa sa largahan upang hindi palayuin ang matulin na Flashy Bell na ginabayan naman ni Pablito Cabalejo.
Pagdating ng far turn ay bakbakan pa rin sa unahan ang Flashy Bell at Sky Lover pero papasok ng hometurn ay inagaw na ng winning horse ang unahan.
Umabot sa dalawang kabayo ang nilamang ng Sky Lover sa rektahan kaya magaan nitong tinawid ang meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nanalo ang Sky Lover ng may tatlong kabayong agwat sa pumangalawang Dreamsoftheworld, tersero ang Golden Jaraywa habang pumang-apat ang Flashy Bell.
Nirehistro ng Sky Lover ang tiyempong 1:01 minuto sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize.
- Latest