Cluster ginulat ang mga kalaban sa Division II ng Gran Copa
MANILA, Philippines — Binulaga ng Cluster ang mga liyamadong katunggali matapos nitong angkinin ang korona sa 2023 Araw ng Maynila “Gran Copa De Manila Division II noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Maagang uminit ang Cluster, hindi nito hinayaang makalayo ng todo ang matutulin sa largahan na Sky Story at Tell Bell.
Ipinuwesto ni jockey AM Bufete ang Cluster sa tersero sa kalagitnaan ng karera.
Pagsapit ng far turn nasa segundo puwesto na ang Cluster at sa huling kurbada ay nasa unahan na ang winning horse.
Nagpatuloy sa pag-arangkada ang Cluster sa rektahan kaya kahit malakas ang remate ng Prime Billing ay nauna pa rin itong tumawid sa meta.
Nanalo ang Cluster ng may isang kabayo ang agwat sa Prime Billing, tersero ang Bad Boy MJ habang pumang-apat ang Sky Story sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nilista ng Cluster ang tiyempong 1:40.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P480,000 premyo para sa winning horse owner na si FR. Sevilla.
- Latest