Boat Buying, Winner Parade masusubukan sa 2023 Philracom Hopeful Stakes Race
MANILA, Philippines — Makikilatis ang magkakuwadrang Boat Buying at Winner Parade sa 2023 Philracom Hopeful Stakes Race na aarangkada ngayong araw sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Paniguradong mapapalaban ang Boat Buying at Winner Parade laban sa siyam na tigasing kabayo sa distansyang 1,800 meter race.
Makakalaban ng Boat Buying at Winner Parade ang Badboy MJ, Borrowed Heaven, Chrome Bell, Domsat Seven, Easy Does It, Glamour Girle, Grand Monarch, Rough Cut at Sandigan.
Gagabayan nina class A riders Kelvin Abobo at John Alvin Guce ang Boat Buying at Winner Parade, ayon sa pagkakasunod.
Nakalaan ang P1.5 milyong guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (Philracom).
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, posibleng maging hadlang sa asam na panalo ng Boat Buying at Winner Parade ang mga kalahok na Chrome Bell at Glamour Girle.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa second placer ang P300,000 at P150,000 naman para sa third placer.
Mag-uuwi naman ang fourth hanggang sixth ng tig-P75,000, P45,000 at P30,000, ayon sa pagkakahilera.
Sisikwatin ng breeder ng winning horse ang P75,000, samantalang P45,000 sa second at P30,000 sat third placer.
- Latest