Buhain isa sa mga nahalal na regional representatives ng PSI
MANILA, Philippines — Pinamunuan ni two-time Olympian at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain ang 18 pang iniluklok na regional representatives sa Philippine Swimming, Inc (PSI).
Sa ilalim ng pamamahala ng World Aquatics-backed Electoral Committee na pinamunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) secretary-general Atty. Edwin Gastanes, ang 19 kinatawan ng iba’t ibang rehiyon ay inihalal ng mga swimming clubs at associations mula sa kani-kanilang mga rehiyon sa isang serye ng hybrid zoom assembly na nagtapos noong Huwebes.
“Ilang lap na lang at tagumpay na ito para sa Philippine swimming at tiyak ang magandang kinabukasan para sa ating mga mahuhusay na Filipino swimmers,” sabi ni Buhain pangulo rin ng Congress of Philippine Aquatics, Inc (COPA).
Naihalal si Buhain bilang kinatawan ng Region 4A (CALABARZON) at posibleng mapabilang sa binubuong PSI Board of Trustees.
Itinakda ng Electoral Committee ang PSI National Congress at BoT election sa Hunyo 8 isang linggong mas maaga mula sa naunang inihayag na iskedyul batay sa napagkasunduan ng 19 kinatawan.
Ang mga mahahalal na miyembro ng BoT ay magsasagawa ng halalan mula sa kanilang mga sarili para piliin ang bagong pangulo ng national swimming body.
Bukod kay Buhain, ang iba pang mga naibotong regional representatives ay sina Cecile ‘Bing’ Doromal (Region 4B); Bing Rosales (Region 5); Cris Bancal (Region 6); Jess Arriola (Region 7); Rex Dela Cruz (Region 8); Gib Sing Wong (Region 9); Leo Sanchez (BARMM); Angel Leonardo (Region 10); Jun Rodriguez (Region 11); Michael Talosig (Region 12); Willie Yu (CARAGA); Coach Emmanuel (CAR); Isagani Corpuz (Region 1); Elmer Corpuz (Region 2); Biboy Asturias (Region 3), Michael Vargas at Fred Galang Ancheta (National Capital Region) at Marie Dimanche (Sectoral Representative).
- Latest