Pinas muntik mabokya; 9 boxers swak sa finals
MANILA, Philippines — Muling nahirapang maghanap ng gold medal ang Team Philippines sa Day Six ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Mabuti na lamang at nariyan si trackstar Eric Cray.
Nagsumite ang 34-anyos na Fil-Am ng tiyempong 50.03 segundo para itakbo ang gintong medalya sa men’s 400-meter hurdles sa ikaanim na sunod na pagkakataon.
Bigo si Fil-Am Robyn Brown na maduplika ang panalo ni Cray nang magkasya sa silver sa women’s 400m hurdles sa kanyang 56.29 segundo.
Nahulog ang Pilipinas sa No. 6 place bitbit ang 27 golds, 50 silvers at 65 bronzes at kinuha ng Vietnam (57-56-70) ang No. 1 spot laban sa Cambodia (56-44-55).
Inaasahang madadagdagan ang ginto ng Pinas sa pagpasok sa finals nina boxers Rogen Ladon (men’s 51kg), Carlo Paalam (men’s 54kg), Ian Clark Bautista (men’s 57kg), Paul Bascon (men’s 60kg), Norlan Petecio (men’s 67kg), John Marvin (men’s 80kg), Markus Tongco (men’s 92kg), Irish Magno (women’s 54kg), Nesthy Petecio (women’s 57kg) at Riza Pasuit (women’s 63kg).
Nag-ambag ng pilak sina fencer Noelito Jose (men’s individual epee), Kristian Narca (khun khmer men’s 57kg), ang Sibol women’s MLBB team (esports) at ang men’s at women’s sepak takraw teams.
Gumawa ng kasaysayan ang women’s cricket team nang magkasya sa silver sa six-a-side event matapos ang 25-78 kabiguan sa Indonesia sa finals.
Ito ang unang medalya ng bansa sa cricket na isinama sa calendar of events ng SEA Games noong 2017.
Giniba ng nagdedepensang Gilas Pilipinas women’s team ang Singapore, 94-63, para sa kanilang 2-0 baraha tampok ang 14 points ni Khate Castillo.
- Latest