Abando, Anyang puro na sa Finals
MANILA, Philippines — Namumuro na si Rhenz Abando at ang koponang Anyang KGC sa finals ng Korean Basketball League (KBL) matapos ang dikit na 76-72 panalo kontra sa Goyang Carrot Jumpers sa Game 3 ng semifinals kamakalawa ng gabi sa Goyang Gym.
Matamis na higanti ito ng Anyang sa Goyang sa harap ng home fans nito matapos ang 89-75 talo sa Game 2.
Kinaldag ng Anyang ang karibal sa Game 1, 99-43, na siyang pinakamalaking winning margin sa KBL playoffs history.
Limitado lang ang naging aksyon ni Abando sa dalawang minuto at nabokya sa scoring bagama’t may 1 rebound at solidong depensa para sa 2-1 baraha ng Anyang sa kanilang best-of-five semis series.
Halos hindi ininda ng Anyang ang tahimik na kampanya ng isa sa pambatong Asian imports na si Abando nang banderahan nila Byeon Jun-Hyeong at Oh Se-Keun ang kanilang atake sa 26 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.
Susubok si Abando at Anyang na umabante na sa finals ngayon para sa tsansang makumpleto ang pambihirang kampanya matapos maging regular season champion hawak ang 37-17 kartada.
Posibleng isa na namang achievement ito para kay Abando, dating NCAA Rookie-MVP ng Letran Knights, matapos maging Slam Dunk champion ng KBL All-Star.
Sa Anyang, pagkakataon ito upang makasikwat ng isa uling kampeonato matapos magwagi sa inaugural East Asia Super League (EASL) Champions Week tampok ang mga pambatong pro teams ng Taiwan, Japan, Hong Kong at Pilipinas.
- Latest