Shastaloo nagpasiklab sa ‘Henry Cojuangco Cup’
MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang Shastaloo noong Linggo ng hapon matapos magwagi sa 2023 PHILRACOM “Henry Cojuangco Cup” na nilarga sa MetroTurf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Komento ng mga karerista sa social media na maayos at maganda ang pagkakadala ni jockey John Paul Guce sa Shastaloo nang ipuwesto nito sa pang-apat sa largahan.
Hawak ng Treasure Hunting ang unahan sa kaagahan ng karera pero kinakapitan ito ng Civics Class.
Matindi ang naging bakbakan ng Treasure Hunting at Civics Class sa unahan subalit pagsapit ng far turn ay nalapitan na sila nina Time For Glory at Shastaloo na dumaan sa tabing balya.
Papalapit ng huling kurbada ay kumukuha na ng unahan ang Shastaloo habang ang Righteous Ruby ay nasa segundo puwesto na.
Hindi kinaya ng Righteous Ruby ang tikas ng Shastaloo sa rektahan.
Nagwagi ang Shastaloo ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Righteous Ruby.
Nirehistro ng Shastaloo ang tiyempong 1:49.6 minuto sa 1,800 meter race sapat upang ibulsa ang P900,000 habang nasa P337,000 ang naiuwi ng second placer na Righteous Ruby.
- Latest