Team Lakay nilayasan nina Folayang
MANILA, Philippines — Isa-isang sumibat ang mga batikang fighters sa pangunguna ni Eduard “The Landslide” Folayang mula sa Team Lakay sa pambihirang development sa Philippine MMA.
Unang nagpaalam si Folayang kamakalawa bago sundan kahapon ng mga kapwa niyang beterano na sina Kevin “The Silencer” Belingon at Honorio “The Rock” Banario matapos ang dekadang pananatili sa Baguio City-based MMA stable.
Sa Team Lakay, sa ilalim ni coach at trainer Mark Sangiao, sinimulan ng tatlong MMA legends ang kanilang karera tungo sa pag-ukit ng pangalan sa international stage tampok ang kampeonato sa ONE Championship.
Ang 33-anyos na si Banario ang unang MMA world champion ng Pilipinas noong 2013 nang hawakan ang inaugural featherweight title ng ONE Championship habang dati ring ONE bantamweight king ang 35-anyos na si Belingon.
Ang 39-anyos na si Folayang ang pinaka-prominente at batikang fighter ng Team Lakay na naging two-time lightweight champion sa ONE Championship bilang pinakamalaking MMA promotion sa Asya.
Bagama’t walang inilabas na sariling pahayag, posibleng wala na rin sa Team Lakay ang dating ONE strawweight champion na si Joshua “The Passion” Pacio.
Sa ngayon, tanging ang 33-anyos na si Geje “Gravity” Sangiao na lang ang batikang fighter ng Team Lakay na sa isang punto ay humawak ng apat na korona sa ONE tampok sina Eustaquio (flyweight), Belingon (bantamweight), Pacio (strawweight) at Folayang (lightweight).
Wala pang pahayag ang mga umalis na fighters kung saang kampo sila susunod na lilipat para sa misyong mabawi ang kani-kanilang korona sa ONE Championship.
- Latest