2 Gilas player absent muna sa 6th window
MANILA, Philippines — Bangas agad ang lineup ng Gilas Pilipinas para sa sixth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Mismong si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes na ang nagkumpirma na hindi makalalaro sina 7-foot-3 Kai Sotto at Japeth Aguilar.
Ayon kay Reyes, nagpaalam si Sotto na hindi muna ito makalalaro habang nagtamo naman si Aguilar ng MCL sprain sa tuhod noong nakaraang linggo.
Kasalukuyang nagpapahinga si Aguilar na hindi nasilayan sa aksyon sa huling dalawang laro ng Barangay Ginebra kabilang na ang laban ng Gin Kings sa Magnolia Hotshots.
Lumasap ng masaklap na 88-118 kabiguan ang Gin Kings sa Hotshots sa naturang Manila Clasico.
“Japeth is injured and Kai has already said that he’s opting out of this window right? We have to plan around that. It’s a big blow to our bid,” wika ni Reyes.
Hawak ni Sotto ang averages na 13.3 points, 9.8 rebounds at 3.3 blocks sa Asian qualifiers.
Subalit hindi ito masisilayan dahil naghahanda ito para sa kanyang pagsalang sa Japan B.League at sa NBA Summer League sa Amerika.
Makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Lebanon sa Pebrero 24 kasunod ang Jordan sa Pebrero 27.
Maiiwan ang pasanin sa big man role kina six-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, Raymond Almazan ng Meralco Bolts at Mason Amos.
Mabuti na lamang at nariyan si naturalized player Justin Brownlee na makakatulong ng malaki sa Gilas squad.
- Latest